Sanggol inatado ng ina

MANILA, Philippines - Nasa kritikal na kalaga­yan ang 11-buwang gulang na sanggol na lalaki matapos itong pagsasaksakin ng sari­ling ina sa gitna ng pakikipag-away sa kaniyang ka-live-in sa Baguio City noong Martes ng gabi.
 

Patuloy na nakikipagbuno kay kamatayan sa Baguio General Hospital and Medical Center ang sanggol na tinukoy lamang sa palayaw na Baby Boy Refugia sa tinamong mga saksak sa katawan.

Nahaharap naman sa kasong kriminal ang ina ng sanggol na si Jona Cris Refugia, 18, ng San Luis Extension sa Barangay San Luis.

Sa ulat ni P/Supt. Davy Vicente Limmong na nakarating sa Camp Crame, bago maganap ang insidente ay nakipag-inuman ang magka-live-in na sina  Refugia at John Soliven sa mga kabarkada sa kanilang bahay kung saan ay nauwi sa awayan.

Nagkasigawan ang dala­wa hanggang sa kanilang silid ay nag-aaway pa ang mga ito sa hindi tinukoy na dahilan hanggang sa biglang kumuha ng kutsilyo ang nasabing babae.

Bigla na lamang pinagdiskitahan ng suspek na pagsasaksakin ang natutulog nitong sanggol sa gitna ng kanilang argumento ng kinakasama.

Mabilis namang isinugod ni Soliven sa pagamutan ang anak kasunod ang nahimasmasan nitong ina.

Isinailalim na sa kustodya ng Baguio City PNP ang suspek  para panagutin.

Show comments