Preso nakapuga sa 3 escort

MANILA, Philippines - Nagawang makatakas ng isang preso na may kasong murder matapos tumalon mula sa mobile patrol habang isinusugod sa ospital kamakalawa ng madaling-araw sa  bayan ng Josefina, Zamboanga del Sur.

Tugis ngayon ng pulisya ang suspek na si Concordio Adlawon ng Barangay Ebarle na naunang inaresto noong Hunyo 8 sa kasong murder.

Bago maganap ang pagtakas, nagpahatid ang suspek sa ospital dahil sa tinamo nitong sugat sa ulo matapos na mahulog sa kaniyang kama sa loob ng selda.

Inatasan ni P/Senior Inspector Jerry Alvarez ang tatlong pulis na eskortan ang suspek sa ospital.

Gayon pa man, habang isinusugod si Adlawon sa ospital ay bigla itong tumalon mula sa patrol car saka lumundag sa bangin na nabigong mahuli ng mga pulis dahil sa kadiliman ng lugar.

Pinaniniwalaan namang sinadya ng suspek na saktan ang sarili sa planado nitong pagtakas.

Show comments