MANILA, Philippines - Kalunus-lunos na kamaÂtayan ang sinapit ng 59-nyos na retiradong colonel ng PhilipÂpine Marines matapos itong pagtatagain ng kanyang helper na lalaki sa loob ng pag-aari nitong resthouse sa Zamboanga City kamakalawa.
Kinilala ang napaslang na si Fernando Camohoy ng Ever Green Drive, Barangay Guiwan sa nabanggit na lungsod.
Ayon kay Zamboanga City PNP Director P/Senior Supt. Edwin de Ocampo, bandang alas-12:02 ng tanghali nang ipagbigay-alam sa pulisya ng anak ng biktima na si Freniel Camohoy ang pagkakatagpo nito sa kaniyang ama na brutal na pinaslang sa resthouse sa Barangay Lamisahan.
Sa pahayag ni Freniel sa pulisya, ang biktima ay nagtungo sa kanilang resthouse para manatili muna simula pa noong Lunes (Mayo 27) kasama ang kaniyang boy na tinukoy sa pangalang Dodong, 23, tubong Kabasalan, Zamboanga Sibugay.
Lumutang naman ang ÂteorÂya na si Dodong ang nasa likod ng krimen dahil nawawala ito at huling nakita ng ilang testigo na humangos paalis sa nasabing resthouse bago nadiskubre ang krimen kamakalawa.
Nawawala rin ang Magnum revolver ng biktima at maging ang motorsiklo.
Sa kasalukuyan, pagnanakaw ang isa sa nakikitang motibo ng pulisya sa naganap na krimen.