9 bodyguard ng vice governor tugis sa pagpatay

TUGUEGARAO CITY, Philippines - Pinaghahanap ngayon ng mga operatiba ng pulisya ang siyam na bodyguard ni Cagayan Vice Governor Leonides Fausto matapos matukoy sa madu­gong pagpatay sa supporter ng talunang gubernatorial bet ng Liberal Party na si William Mamba sa Barangay Alabug, bayan ng Tuao, Cagayan noong nakalipas na halalan.

Tinukoy ni Cagayan PNP director P/Senior Supt. Gregorio Lim ang pagkakakilanlan sa biktimang si Jomar Littaua, 41, ng Brgy. Centro 1, Tuao.

Kabilang sa mga suspek na tugis ng pulisya ay sina Zaldy Bangan, Gil Durian, Boyet Genobil, Arthur Advincula, Angel Tubban, Romar Latupan, Nono Lizardo, Joefrey Balocanao, at si Aldrin Omillo.

Lumalabas sa imbestigasyon na natiyempuhang ng mga suspek na kumakain sa pansitan ang biktima kung saan nauwi sa mainitang pagtatalo kaugnay sa pagsubaybay nito sa convoy.

Dito na niratrat ng mga suspek ang biktima kung saan kaagad naman rumesponde ang pulisya dahil sa nilikhang putukan.

Tanging sina Audi Cauilan at Julius Cesar Paeste ang nasakote ng pulisya na may bitbit na cal. 45 pistol habang nagkanya-kanyang takas ang iba pang suspek.

Show comments