Sulu PNP director, sinibak
MANILA, Philippines - Sinibak na sa puwesto ang PNP director ng Sulu matapos na mabigong kontrolin ang peace and order partikular na noong araw ng eleksyon na kumitil ng buhay ng lima-katao.
Sa press briefing sa Camp Crame, inianunsyo kahapon ni PNP Chief Director Alan Purisima ang pagsibak kay Sulu PNP director P/Senior Supt. Antonio Freyra.
Pansamantalang pumalit kay Freyra si P/Senior Supt. Robert Kuinisala, directorate for administration ng PNP sa Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Ang pagkakasibak kay Freyra ay bunga ng kaguluhan sa Tongkil Island noong kasagsagan ng eleksyon matapos na magwala ang mga armadong grupo na sumusuporta sa magkalabang kandidato na sangkot sa rido bukod pa sa presensya ng Abu Sayyaf Group.
Bunga ng insidente ay ipinul-out ang puwersa ng pulisya at ipinalit ang tropa ng Philippine Marines na nakipagsagupa sa mga armadong grupo na ikinasawi ng apat.
Bukod dito, isa naman ang nasawi sa bayan ng Panglima Estino, Sulu matapos na pagbabarilin ng mga armadong kalalakihan ang mga botante na sumusuporta sa mayoralty candidate habang patungo na sana sa polling center.
Samantala, nagtungo na si Kuinisala sa Sulu lulan ng naval ship ng Philippine Navy kasama ang 100 opeÂratiba ng Regional Police Safety Battalion upang tumulong sa tropa ng Philippine Marines na maibalik ang kaayusan sa Tongkil Island.
- Latest