2 itinumba sa barangay hall

CAVITE, Philippines – Dalawa-katao ang iniulat na napaslang habang tatlong iba pa ang nasugatan makaraang pag­babarilin ng senglot na close-in security escort ng barangay chairman sa loob ng barangay hall kamakalawa ng gabi sa Barangay Paliparan 3, Dasmariñas City, Cavite.

Kiniala ang mga napatay na sina Marife Biyo, 48, may asawa, barangay administrator; at Eduardo Bunguit, 59, barangay tanod.

Sugatang naisugod sa ospital sina Shiela Marie Biyo, 23, health worker; Julius De Puyat, 54, chief tanod; at si Diego Hombria, close-in security aide rin ni Chairman  Leuterio Guimbaolibot.

Arestado naman ang suspek na si Magdaleno Verano, 52, ng Block 135 Phase 3  sa nabanggit na barangay.

Sa ulat ni PO3 Paulo Figueroa, lumilitaw na napikon ang suspek na sinasabing lango sa alak sa tinuran ng mga biktima na natalo ang kanilang kandidato sa nakalipas na eleksyon habang nagpupulong sa loob ng barangay hall.

Sumiklab ang mainitang pagtatalo hanggang sa pagbabarilin ng suspek ang mga biktima kung saan tinamaan ng ligaw na bala ang tatlong iba pa.

Gayon pa man, ilang minuto ang nakalipas ay rumesponde ang mga ope­ratiba ng pulisya kung saan nasakote ang suspek na nangangamoy alak.

Narekober sa crime scene ang cal. 45 pistol at ilang basyo ng bala.

 

Show comments