Bus vs trike: 9-katao patay

Pisak ang traysikel at nakabulagta sa kalye ang mga labi ng siyam na pasahero na sinalpok ng Arandia Bus sa Barangay Biya, bayan ng Calauag, Quezon. Kuha ni Tony Sandoval

QUEZON , Philippines  – Umabot sa siyam-katao kabilang ang apat na bata ang kumpirmadong namatay matapos magsalpukan ang traysikel at  pampasaherong bus sa kahabaan ng Maharlika Highway sa Barangay Biyan, bayan ng Calauag, Quezon kahapon ng umaga.

Namatay agad sa pinangyarihan ng aksidente ang mga biktimang sina Natividad Breva, 51; Federico Ebiermas, 44; Leticia Ebiermas, 43; Jackielyn Casabon, 29; Krizel Pera,14; Glizel Casabon, 9; Daniel Olanda, 9; at si Kathlyn Casabon, 7, habang namatay sa ospital ang driver ng trike na si Redentor Olanda, 37, pawang nakatira sa nabanggit na bayan.

Sa imbestigasyon ng pulisya, patungo sa kaba­yanan ang mga biktima na lulan ng traysikel nang makasalubong ang rumaragasang Arandia Bus Line (EVN -970) ni Albert Oli.

Nabatid sa ulat na nagtangkang mag-overtake ng nasabing bus sa isa pang bus subalit hindi ito pinagbigyan hanggang sa tumbukin ang kasalubong na traysikel ng mga biktima kung saan nakaladkad pa ng 56-metrong layo.

Pormal na kakasuhan ng pulisya ang driver ng bus habang nakapiit sa himpilan ng pulisya.

Show comments