Tinedyer binoga ng tandem

CAVITE, Philippines – Patuloy na nakikipaglaban kay kamatayan ang 18-anyos na lalaki na tumangging ibigay ang kanyang bag na naglalaman ng mala­king halaga matapos itong barilin ng isa sa dalawang ‘di-kilalang lalaki sa naganap na holdap sa parking lot sa J.P. Rizal Street sa Barangay San Vicente 1, bayan ng Silang, Cavite kamakalawa ng hapon.  Sa ulat na nakarating kay P/Insp. Valero Bueno, hinihintay ng biktimang si Jhon Paulo Prieto sa loob ng Mitsubishi Adventure ang kanyang ina na namalengke nang lapitan ng dalawang ‘di-kilalang lalaki.  Tinutukan ng baril ang biktima at pilit na kinukuha ang bag na naglalaman ng mala­king halaga subalit nanlaban ang tinedyer kaya pinutukan sa dibdib. Kahit sugatan ay nagawa pang patakbuhan ng biktima ang sasakyan subalit bumang­ga ito sa bahay na katabi ng bangko kung saan nagpulasan naman ang dalawang holdaper. Nabatid na nag-withdraw ng malaking halaga ang biktima kasama ang kanyang ina at utol na babae kung saan pansamantalang ipinarada naman ang kanilang sasakyan. Narekober naman ang ginamit na motortsiklo ng dalawang holdaper sa bahagi ng Barangay Sabutan sa nasabing bayan.

Show comments