MANILA, Philippines - Binuo na kahapon ang Special Investigating Task Group (SITG) na tututok sa kaso ng mga nasa likod ng madugong pananambang sa convoy ni Nunungan, Lanao del Norte Mayor Abdulmalik Manamparan na kumitil ng buhay ng 13 katao habang 10 pa ang nasugatan sa bayan nito noong Huwebes ng gabi.
Ayon kay Lanao del Norte Provincial Police Office (PPO) Director P/Sr. Supt. Gerardo Rosales, tukoy na ng mga awtoridad ang nasa likod ng pananambang matapos itong ituro mismo ng kampo ni Manamparan.
Sinabi ng opisyal na rido o clan war ang pangunahing motibo sa krimen dahilan kilala ng pamilya Manamparan ang ilan sa 10-15 kalalakihang nanambang sa mga ito sa nangyaring insidente sa Brgy. Malaig habang papauwi na ang grupo galing sa campaign rally.
Patuloy namang sumisigaw ng hustisya ang pamilya MaÂnamparan sa pagkamatay ng 30 anyos na anak na babae ng alkalde na si Adnani at mga supporters ng lokal na opisyal .
Samantalang kabilang naman sa sampung nasugatan ay si Mayor Manamparan kasalukuyan ng nagpapagaling sa isang pagamutan sa Iligan City.
Si Mayor Manamparan ay kumakandidatong vice mayor dahilan sa huling termino na nito bilang alkalde habang ang kandidatong mayor ay ang anak nitong lalaki sa ilalim ng partido ng Nationalist People’s Coalition.