12-anyos bata pinatay ang 2 pinsan

ANGELES CITY, Pampanga, Philippines – Masyadong maaga ang kamatayan ng mag-utol na batang Aeta matapos barilin ng shotgun ng kanilang 12-anyos na pinsan sa Barangay Sapang Uwak, Angeles City, Pampanga noong Lunes ng umaga.

Idineklarang patay sa  Jose B. Lingad Hospital sa San Fernando City ang mga bikitmang sina Russel Lansang, 7; at Francis Lansang, 3.

Samantala, nasa panga­ngalaga ng lokal na sangay ng Department of Social Welfare and Delopment (DSWD) sa Tarlac ang 12-anyos na suspek.

Ayon kay P/Supt. Juritz Rara, hepe ng Porac PNP, naglalaro ang magpipinsan sa labas ng bakuran ng bahay nang ilabas ng suspek ang shotgun na pag-aari ng kanyang ama.

Sa pag-aakalang laruang baril ang hawak na shotgun ay itinutok ng suspek sa kanyang mga pinsan su­balit sa hindi inaasahang pagkakataon ay biglang pumutok.

Duguang bumulagta ang mag-utol matapos tamaan ng mga bala ng shotgun habang nahaharap naman sa kaukulang kaso ang ama ng suspek na si Rico Lansang.

Nagbanta ang mga kaanak ng biktima na batay sa kanilang kultura na kung buhay ang inutang ay buhay din ang kabayaran.

 

Show comments