2 patay sa riding-in-tandem, abogado kritikal

MANILA, Philippines - Dalawa katao ang nasawi habang nasa kritikal namang kondisyon ang isang prominenteng abogado matapos tambangan ng riding in tandem gunmen sa Zamboanga City nitong Sabado ng madaling araw.

Sa ulat ni Zamboanga City Police Director P/Sr. Supt Edwin de Ocampo, kinilala ang mga nasawing biktima na sina Jomer at Emmanuel Lozada. Patuloy namang isinasalba sa pagamutan si Atty. Homer Mabale na  nagtamo rin ng mga tama ng bala sa katawan.

Sa imbestigasyon, dakong alas-3:30 ng madaling araw habang lulan si Mabale at dalawa nitong kasama pauwi na sa sa kanilang tahanan sa Lopez Subdivision, Brgy. Tugbungan ng mangyari ang insidente.

Agad pinagbaril ng riding in tandem ang behikulo  ng target na si Mabale saka mabilis na tumakas.

Sa kasalukuyan, ayon kay de Ocampo ay iniimbestigahan pa ng pulisya ang motibo ng pananambang sa mga biktima.

Narekober naman sa pinangyarihan ng insidente ang mga basyo ng bala ng cal. 45 pistol.

Show comments