BATANGAS , Philippines – KamataÂyan ang sumalubong sa tatlong sibilyan habang limang iba pa ang sugatan makaraang salpukin ng pampasaherong jeepney ang kariton sa kahabaan ng highway sa Barangay Calubcub 1st, bayan ng San Juan, Batangas noong Sabado de Gloria ng madaling-araw.
Sa ulat ni P/Senior Supt. Rosauro Acio, Batangas police director, namatay ang tatlong miyembro ng pamilya matapos araruhin ng jeepney ang sinasakyan nilang kariton na hatak ng kalabaw sa nasabing lugar.
Kabilang sa mga nasawi ay sina Chona Señado-Abejar, 34; Jhon-jhon Abejar, 12; at si Junel Señado,17, pawang mga nakatira sa Sitio Baybayin, Pulangbato, bayan ng San Juan, Batangas.
Sugatan naman sina Alfonso Roila, 35; Jessica Abejar,14; Jaymark Abejar,13; Jun-jun Abejar,10; at si Jovelyn Abejar na naisugod sa San Juan Medical Center at Lipa Medix Hospital.
Sa imbestigasyon ng ng pulisya, papauwi na ang mga biktima mula sa masayang outing nang banggain sila sa likuran ng pampasaherong jeepney (ZAK-535) ni Julito Ranario pagsapit sa nabanggit na barangay.
Samantala, wala namang nasaktan sa mga pasahero ng jeepney na papunta naman sa Barangay Laiya para mag-outing.