MANILA, Philippines - Sinalubong ni kamatayan ang sampu-katao matapos lumubog ang bangka sa karagatang sakop ng Barangay Tugal sa Sultan sa Barongis, Maguindanao noong Lunes ng hapon.
Ayon sa pulis-MaguindaÂnao, lumubog ang pump boat na may 18 pasahero sa bahagi ng Liguasan Marsh matapos balyahin ng malakas na alon bandang alas-5 ng hapon.
Sa ulat ni P/Senior Supt. Rodelio Jocson ng Maguindando PNP na nakarating sa Camp Crame, natanggap lang nila ang ulat noong Martes ng umaga mula sa isang opisyal ng barangay.
Kakulangan sa komunikasyon at sa layo ng distansya sa pinagmulan ng sakuna kaya nahirapan ang mga opistal ng barangay na maipaabot kaagad sa pulisya ang naganap na trahedya, ayon pa kay Jocson.
Nabatid na ang biktima ay dumalo sa ika-7 kanduli (pagdarasal para sa mga yumaong kaanak) nang makasalubong ang trahedya.
Kabilang sa mga biktimang nasawi ay sina Kudtog Panonggo, 63; Seno Blah, 40; Paano Kudtog, 7; Montoki Kudtog, 9; Baikong Kudtog, 30; Benzar Makakwa, 8; Datu Manaot Makakwa, 6; Maryjane Makakwa, 4; Farida Kudtog, 28; Amilod Kudtog, 8; habang nawawala naman sina Amer Kudtog, 5; at Samer Kudtog, 3.
Nakaligtas naman ang operator ng bangka na si Brando Nando, 20; at ang mga pasaherong sina Ernie Motin, 38; Alaisa Saptula, 42; Saudi Kudtog, 7; Alaisa Kudtog, 5; at si Normina Kudtog, 9.