Holdaper todas sa sekyu

MANILA, Philippines - Nasilat ng matapang na guwardiya ang panghuholdap sa binabantayan nitong gasoline station/ convenience store matapos na maagaw ang baril ng nag-iisang holdaper na napatay nito kamakalawa sa Brgy. Pag-antayan, bayan ng Cantilan, Surigao del Sur.

Kasalukuyan pang inaalam ang pagkakakilanlan ng na­patay na holdaper matapos na wala ni isa mang identification card na makuha sa bangkay.

Boluntaryo namang sumuko sa pulisya ang security guard na si Jose Adobo, 37, bitbit ang cal. 45 pistol na ginamit laban sa holdaper.

Sa police report na nakarating sa Camp Crame, bandang alas-6 ng gabi nang biglang sumulpot ang di-kilalang lalaki na armado ng baril sa gasolinahan at AMFA  Convenience Store na pag-aari ni Ming Ambida sa junction road sa nabanggit na barangay.

Agad na nagdeklara ng holdap nang pumasok ito sa gasolinahan na tinutukan ang sekyung si Adobo na agad pumalag at nakipag-agawan ng baril sa napatay na holdaper.

Nagawang maagaw ni Adobo ang baril ng holdaper na mabilis na nagtatakbo pero hinabol ito ng sekyu.

Pinaputukan ng sekyu ang tumatakas na holdaper kung saan sa di-kalayuan ay dugu­ang bumulagta.

 

Show comments