Tauhan ng MMDA, lumutang sa ilog

MANILA, Philippines - Palutang-lutang sa isang ilog nang matagpuan kahapon ang bangkay ng isang empleyado ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa Pasay City. Sa pamamagitan ng anak nitong babae na si Marivic Perez Lanorio, nakilala ang bangkay na si Rolando Perez, 50 ,Venus Compound Brgy.Sto Niño, Parañaque City. Base ininsiyal, bandang alas-11:20 kahapon ng tanghali ng matagpuan ang katawan ng biktima na lumulutang sa isang maliit na ilog sa may Upper Nomads Merville Access Road, Brgy. 201 Zone-20 sa naturang lungsod. Nabatid na bago ang pagkakatagpo sa bangkay ng biktima, unang nagsagawa ng operasyon ang Pasay Police sa naturang lugar sa nagaganap na iligal na tupada.  Tatlo katao ang nadakip habang nagkanya-kanyang takas ang iba ng kasama ang ilan na tumalon sa ilog. Inaalam ngayon ng pulisya kung kasama si Perez sa mga lalaking tumakas at tumalon sa ilog na naging daan sa kanyang pagkasawi.  Ayon sa pulisya, marami nang nalunod sa naturang ilog na maburak at maraming matulis na bagay na nakabaon sa mababaw na tubig. Nakatakdang isailalim naman sa awtopsiya ang bangkay ng biktima upang mabatid ang tunay na sanhi ng pagkamatay nito.

 

Show comments