Babae kinatay, ibinaon sa septic tank

CAVITE, Philippines - Brutal na kamatayan ang sinapit ng 22-anyos na babae matapos itong pagsasaksakin, pagtatagain ay minartilyo pa ng selosong lover saka itapon pa sa septic tank sa Brgy. Narvaez, bayan ng General Emilio Aguinaldo, Cavite kamakalawa.

Sa ulat Cavite provincial police director P/Senior Supt. Alexander Rafael, ang biktima  ay kinilala sa pangalang Jacklyn habang tinutugis ng pulisya ang suspek na si Antonio de la Rosa na kapwa taga Marikina City at pansamantala lamang naninirahan sa nasabing bayan.

Base sa imbestigas­yon, bandang alas-3:30 ng hapon nang madiskubre ang bangkay ng biktima sa septic tank sa bisinidad ng bahay na tinutuluyan ng mag-lover sa nasabing lugar.

Bago ang krimen ay palagi umanong nag-aaway ang biktima at ang suspek dahil sa pagiging seloso ng huli na madalas mauwi sa pananakit ng suspek sa nasabing babae.

Nadiskubre ang krimen matapos na umalingasaw ang masangsang na amoy mula sa bakuran ng mag-lover bunsod upang mag-usisa ang mga opisyal ng barangay at residente dito na ipinagbigay-alam naman sa pulisya.

Laking gulat ng mga ito nang bumungad ang katawan ng babae na tadtad ng mga taga at saksak sa katawan sa loob ng septic tank.

Show comments