LEGAZPI CITY, Philippines – Apat katao ang nasawi habang 22 naman ang nailigtas makaraang aksidenteng lumubog ang isang bangkang de motor na sinasakyan ng mga ito habang naglalayag sa karagatan ng Bacacay, Albay nitong Biyernes ng hapon.
Nakilala ang mga nasawi na sina Emerlita Barrameda, isang guro, Jeffry Osorio, empleyado ng National Statistics Office (NSO), Chechi Espenisin, menor-de-edad at Diego Crisol ang kapitan ng bangka.
Samantala ang mga nakaligtas ay kinilalang sina Romel Cral Peralta, Rolando Borral, Alba Longa, Mary France Balilo, Estelita Bercacio, Mariliyn Canicula, Michele Bertillo, Delfin QuiÂver, Joy Barcelona, Jericho Deduque, Airen Loria, Lina Barcellano, Nornma Berwella, Joseph Callos, Evely Barizo, Xprone Angelo Ortiz, Mayeth Mortil, Sherly Celso, Maricriz Borito, Geronimo Peralta at ang 19 dito ay pawang mga guro sa Barangay Napaw Elementary School na nasa islang barangay ng naturang bayan.
Ayon sa ulat ni Supt. Reuben Sodsod, Provincial Director ng Albay na ang insidente ay naganap dakong alas 5 ng hapon habang ang mga biktima ay sakay sa isang maliit na bangka.
Sa imbestigasyon, naubusan umano ng gasolina ang bangkang M/V John Ashley habang naglalayag sa lugar at dahil dito ay nagpanik ang mga pasahero bunsod upang mabali ang katig ng bangka na tumaob hanggang sa tuluyang lumubog.
Dahil dito, nagtalunan ang mga pasaherong guro at apat sa mga ito ay nasawi.
Samantalang ang mga nasugatan na kabilang sa mga nailigtas ng nagresponÂdeng search and rescue team ng Phil. Navy at Phil Coast Guard ay isinugod naman sa Bicol Regional Training ang Teaching Hospital upang malapatan ng lunas.