MANILA, Philippines - Matagumpay na nailigtas ng mga operatiba ng pulisya ang 24 aso na ibibiyahe sa Baguio City matapos na maharang ang van na pinagsakyan sa mga ito sa kahabaan ng Diocno highway, Lemery, Batangas nitong Miyerkules ng gabi.
Kinilala ang mga nasakote na sina Cabrera Garga, Ronero Medina at Rosendo Magsino.
Ayon kay CALABARZON Police Director P/Chief Supt. Benito Estipona, bandang alas-6:40 ng gabi ng maharang ng mga elemento ng 2nd Mobile Company ng Regional Public Safety Battalion (RPSB) ang Hyundai Grace van (WRP 965) na pinagsasakyan sa mga aso.
Narekober sa loob ng van ang nasagip na 24 aso na nanghihina na sa sobrang init at tatlong patay na aso.
Bago ito ay nakatanggap ng impormasyon ang mga awtoridad na dadaan sa Tagaytay City ang mga suspek na magbibiyahe ng mga aso patungong Baguio City kung saan mabentang mabenta ang naturang mga hayop.
Hindi na nakapalag ang mga suspek matapos na makorner ng mga operatiba ng pulisya.