2-anyos nabaril ng 4-anyos utol, dedo

TUGUEGARAO CITY, Philippines – Masyadong maaga ang pagkakadagit ni kamatayan sa 2-anyos na batang lalaki makaraang mabaril ng 4-anyos na kuya  sa loob ng kanilang tahanan sa Barangay Lingsat sa San Fernando City, La Union noong Lunes ng gabi.

Sa police report, naganap ang insidente bandang alas-8:45 ng gabi sa tahanan ni PO2 Nestor Gapuz ng San Fernando City PNP sa Barangay Timpuyug.

Kinilala ang biktima na si Kerbie Gapuz na tinamaan ng bala sa kaliwang pisngi na naglagos sa ulo kung saan idineklarang patay sa Lorma Hospital.

Halos matulala naman at hindi makausap ang 4-anyos na suspek na itinago sa pangalang Junjun dahil sa pagkakapatay sa bunsong kapatid.

Base sa imbestigasyon, bandang alas-7 ng gabi nang umuwi si PO2 Gapuz mula sa trabaho kung saan ipinatong nito ang bag na naglalaman ng Glock pistol cal. G23 sa kanilang sala habang naglalaro ang dalawang anak.

Pansamantalang iniwan ni PO2 Gapuz ang dalawang bata at nagtungo ito sa kanilang kuwarto upang magpalit ng damit  subalit nagulat ito ng umalingawngaw ang malakas na putok ng baril.

Nang tunguhin nito ang sala ay nakitang nakabu­lagta ang bunsong anak na lalaki habang hawak naman ng kuya ang kaniyang baril na pinakialaman mula sa bag kung saan nabaril ang kapatid.

Nahaharap ngayon sa kasong administratibo si PO2 Gapuz dahil sa sinasabing kapabayaan.

Show comments