2 dedo, 5 sugatan sa road mishap

KIDAPAWAN CITY, Philippines – Dalawa-katao ang iniulat na nasawi habang lima naman ang nasugatan makaraang sumalpok ang pampasaherong jeepney sa punungkahoy na nasa gilid ng highway sa Barangay Noa sa bayan ng Magpet, North Cotabato noong Sabado ng umaga. Kinilala ni P/Inspector Basilio Parcon, deputy chief ng Magpet PNP, ang mga nasawi na sina Toto Canaan, 21; at Ronnie Abawan, kapwa nakatira sa Barangay Basak.

Sugatan naman sina Mendoza Gay, 54; Arlyn Gay, 23; Marcela Tan, 52; Michael Asam, 20; at si Jemard Camad.

Nabatid na nawalan ng preno ang sasakyang minamaneho ni Ronan Ca­butaje kaya isinalpok nito sa punungkahoy kaysa mahulog sa bangin. Sinasabing lumundag mula sa jeepney sina Canaan ar Abawan subalit nadaganan ng sasakyan.

Ang dalawang nasawi at iba pang pasahero ay patungo sana ng Digos City sa Davao del Sur para dumalo sa beach party nang makasalubong si kamatayan.

Nakahanda naman ang may-ari ng sasakyan na bayaran ang gastusin sa pagpapa-ospital ng mga sugatan at pagpapalibing sa dalawa.

 

Show comments