Baby dedo sa sampal ng nanay

KIDAPAWAN CITY, Philippines – Masyadong maaga ang salubong ni kamatayan sa isang taong gulang na baby matapos itong sampalin ng kanyang ina saka inilibing sa likuran ng kanilang tahanan sa bayan ng Matalam, North Cotabato noong Lunes ng hapon.

Kinilala ng mga pulis ang suspek na si Jocelyn Lavandero, 21, ng Barangay Linao sa nasabing bayan.

Inaresto si Lavandero noong Martes, isang araw makaraang patayin at ilibing ang mismong anak na isang taong gulang.

Sinabi ng municipal social welfare officer na si Wilma Ma-aya, ikinatwiran ni Lavandero na ‘di raw nito sinadya ang pagpatay.

Napundi raw ang suspek sa iyak ng anak kaya niya nasampal kung saan  sa lakas ng sampal ay agad nangisay ang bata.

Sa takot na makulong, inilibing ng suspek ang sariling anak na may tatlong metro ang layo mula sa kanilang bahay noong Lunes ng hapon.

Gayon pa man, nang hanapin at mag-usisa ang mister sa kanyang misis ay hindi ito makasagot kung saan kinabukasan ay inamin din ng suspek matapos makonsensya.

Bandang alas-otso ng umaga noong Martes, tinungo ng mga pulis ang erya, kasama ang social worker na si Ma-aya, at doon tumambad sa kanila ang bangkay ng bata kung saan kinasuhan na kahapon ang suspek habang nakakulong.

Show comments