Gang war: 3 tinedyer tinortyur, inutas

LEYTE, Philippines - Kalunus-lunos na kamatayan ang sinapit ng tatlong tinedyer matapos pagbabarilin ay pinagsasak­sak pa at ginilitan ng mga di-kilalang kalalakihan sa bisinidada ng Sitio Sagkahan, Barangay Poblacion sa bayan ng Kananga, Leyte noong Biyernes.

Kinilala ni P/Chief Insp. Antonio Ancay jr. ang mga biktimang sina Francis Kuizon, 18, ng Brgy. Sabang; John Lester Amonah, 17, ng District 29, Nadongholan; at si Marlon Canete, 18, ng Burgos Street na pawang nasa Ormoc City.

Ayon kay Ancay, ang tatlong biktima ay natagpuan malapit sa plantasyon ng tubo sa gilid ng kalsada sa nasabing barangay.

Lumilitaw sa pagsusuri ng pulisya na si Kuizon ay binaril, sinaksak at ginilitan habang sina Amonah at Canete naman ay nagtamo ng mga tama ng bala ng baril at saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

May palatandaan din na tinortur ang mga biktima sa ibang lugar bago itinapon sa nasabing barangay.

May posibilidad na ang pamamaslang sa tatlo ay inuugnay sa gang war base na rin sa nakitang TBS tattoo sa katawan ni Kuizon.

Sinasabing ang grupo ng True Brown Style (TBS) ay notoryus na gang sa Ormoc kung saan ang mga miyembro nito at nag­rerekrut ng mga tinedyer sa bayan ng Kananga.

Sa impormasyong nakalap ni Ancay, kalimitang naka-istambay sa compound ng Kananga munisipyo ang master ng TBS kung saan isinasagawa ang kanilang pagpupulong.

Nabatid din na  sangkot sa serye ng pamamaril at pananaksak ang grupo ng TBS sa kalabang gang na sangkot sa gang war sa City Plaza. Freeman News Service

Show comments