MANILA, Philippines - Dalawa katao ang nasawi habang apat pa ang nasugatan makaraang aksidenteng magbanggaan ang isang motorsiklo at kasalubong nitong pampasaherong van kamakalawa ng gabi sa bayan ng Alicia, Isabela.
Kinilala ang mga nasawi na sina Bonifacio Dalit, 17 at Kenneth Goton, 14; pawang residente ng Brgy. Burgos, Alicia.
Isinugod naman sa pagamutan ang mga nasugatang sina Harry Dela Cruz, 34, driver ng van; mga pasahero nitong sina Gilva Marites, 29; Ernesto Manaligod, 31 at Rodel Dionisio, 30.
Sa ulat na nakarating kahapon sa Camp Crame, bandang alas-7 ng gabi ng maganap ang banggaan sa hangganan ng Brgy. Antonio at Brgy. San Fernando sa bayang ito.
Kasalukuyang patungo ang van sa Santiago City nang aksidente itong bumangga sa kasalubong na motorsiklo kung saan sa lakas ng pagkakabangga ay nasawi ang dalawang biktima. Nagsasagawa na ng imbestigasyon ang mga awtoridad sa kasong ito.