Holdaper utas sa shootout

BULACAN, Philippines - Napatay ang 24-anyos na trike driver na sinasabing notoryus na holdaper matapos na makipagbarilan sa mga ope­ratiba ng pulisya sa Comelec checkpoint sa Barangay San Gabriel sa Sta. Maria, Bulacan kamakalawa ng gabi. 

Kinilala ang napatay base sa narekober na mga identification card na si Christopher Garcia 24, ng Barangay FVR sa bayan ng Norzagaray. 

Si Garcia ay may na­kabinbing warrant of arrest na inisyu ni Judge Olivia Escubio-Samar ng Malolos City Regional Trial Court Branch 79 sa kasong frustrated homicide.

Sa police report na nakarating kay P/Supt. Lailene Amparo, bago mapatay si Garcia ay sinasabing hinoldap nito ang mag-asawang Gil at Susana Nieto sa bahagi ng Barangay Camangyanan.

Kaagad na inilatag ang checkpoint sa pamumuno ni P/Insp. Romeo De Guzman matapos makarating sa kanila ang impormasyon.

Dito na namataan ang motorsiklo ni Garcia kung saan pinahihinto para sitahin subalit nanlaban ito na nauwi sa shootout.

Show comments