9 sugatan sa pawnshop blast

MANILA, Philippines - Siyam-katao kabilang ang isang pulis ang iniulat na na­sugatan matapos su­mabog ang bomba sa harapan ng pawnshop sa Iligan City, Lanao del Norte kahapon ng umaga.

Kabilang sa mga biktima ay si PO3 Jun Cabahug at walong iba pa na isinugod sa Iligan City Hospital.

Sa inisyal na ulat ng pulisya na nakarating sa Camp Crame, bandang alas-10:15 ng umaga nang yanigin ng pagsabog ang harapan ng M.L. Lhuiller Pawnshop sa kahabaan ng Mercado St., Quezon Avenue sa Brgy. Poblacion.

Ang bomba ay ikinabit sa isang bisikleta  na ipinarada sa tabi ng sasakyan ni PO3 Cabahug sa harapan ng nasabing pawnshop.

Ayon kay Army’s 103rd Infantry Brigade Com­mander Brig. Gen. Daniel Lucero, lima sa mga biktima ay nakalabas na sa ospital habang ang apat naman ay patuloy na ginagamot.

Kabilang sa sinisilip na anggulo ay personal na alitan at inaalam din kung ang nasabing pulis ang target ng pagpapasabog.

Show comments