CAMARINES NORTE, Philippines – Tinatayang aabot sa P3.6 milyong halaga ng ari-arian ang naabo matapos masunog ang apat na silid-aralan ng Science Building ng Basud National High School Main Campus sa Brgy. Poblacion 1 sa bayan ng Basud, Camarines Norte kamakalawa ng gabi. Sa ulat ni SFO2 Vener E. Tabaniag, nagsimula ang sunog bandang alas -11:50 ng gabi at naapula naman bandang alas-12:20 ng madaling-araw sa tulong ng ilang fire truck kabilang ang Chinese Volunteer Fire Brigade ni Doming Tang. Kasalukuyang nakikipag-ugnayan na ang pangulong PTA na si Bobot Madayag sa mga opisyal ng lokal na pamahalaan at kay Gov. Edgardo Tallado upang tulungan ang mga estudyante na mabigyan ng computer units. Kabilang sa nasunog ang 30 yunit ng computer sa computer room, opisina at mga dokumento habang patuloy naman ang imbestigasyon.