CAMARINES NORTE, Philippines - Napaaga ang salubong ni kamatayan sa 35-anyos na misis habang malubhang nasugatan ang kanyang anak at dalawang iba pa matapos magsalpukan ang dalawang motorsiklo sa kahabaan ng highway sa Purok 2, Barangay Magang sa bayan ng Daet, Camarines Norte noong Lunes ng gabi.
Hindi na nagawang maisalba ng Leon Hernandez Memorial Hospital ang buhay ni Maria Shiela Roberts ng Poblacion 1, Basud, Camarines Norte at staff ni Basud Mayor Jun Davocol.
Samantala, malubha namang nasugatan ang kanyang anak na lalaki na si Justin Nicholas, 14 at dalawang nakasalpukang sina Rodel Ibasco, 34, ng Brgy. Parang, Jose Panganiban at Raffy Dacillo 22, ng Mercedes at kapwa minero.
Nabatid na lulan ng motorsiklong ang mag-ina patungo sa bahagi ng Greenview Subd. sa Brgy. Camambugan para ipagdiwang ang Bagong Taon nang makasalpukan ang motorsiklo ng dalawang minero.