2 binatilyo sugatan sa explosion
MANILA, Philippines - Dalawang binatilyo ang malubhang nasugatan makaraang aksidenteng sumabog ang pinaglaruan ng mga itong eksplosibo, kamakalawa sa bayan ng Ivisan, Capiz.
Kinilala ni Police Regional Office (PRO) 6 Director P/Chief Supt. Agrimero Cruz Jr., ang mga nasugatang biktima na sina Jhon Rey Deyan, 12 at Jerry Boy Valderama, 12, kapwa residente ng Brgy. Ilaya sa bayang ito.
Bandang alas-10:15 ng umaga ng mangyari ang pagsabog sa bisinidad ng tahanan ni Norie Deyan, ina ng isa sa mga biktima.
Ayon sa imbestigasyon, bago ang insidente ay napulot ng mga biktima ang isang M203 ammunition na kanilang pinaglaruan. Sa sobrang kalikutan ay kumuha ang mga ito ng matigas na bakal at pinagpupukpok ang nasabing M203 ammunition upang alamin ang nasa loob nito.
Kasunod nito, isang malakas na pagsabog ang yumanig sa lugar na malubhang ikinasugat ng dalawang biktima na agad namang isinugod sa Capiz Provincial Hospital.
Kasalukuyan pang iniimbestigahan ng pulisya ang kasong ito.
- Latest