KAMPO ALEJO SANTOS, Malolos City, Philippines – Limang kalalakihan kabilang ang isang driver ng isang kilalang television network ang naaresto ng pulisya matapos na mahulihan ng shabu sa drug bust operation sa lungsod na ito kamakalawa.
Kinilala ang mga suspek na sina Armando Quintal, 38 anyos; Emilio Mendoza, 45; pawang sa Meycauayan City, Winston Luna, 37, dental technician ng Valenzuela City, Larry Francisco 32, taga Sta. Maria at Elmer Mendoza, 35, driver ng ABS-CBN at residente ng Brgy. Bagong Barrio sa Pandi ng lalawigan.
Base sa ulat ni P/Supt. Sydney Villaflor dakong alas-8:30 ng gabi habang nagsasagawa ng pagmamanman ang mga lokal na opisyal sa isang lugar sa Brgy. Bancal ay napansin nila sina Quintal at Luna na kahina-hinala ang ikinikilos na nagresulta sa pagkakasamsam sa dalawang sachet ng shabu habang naaresto din si Mendoza sa Brgy. Malhacan sa follow-up operation
Samantala dakong alas-8:55 ng gabi habang nagroronda ang mga barangay tanod ng Brgy. San Gabriel, Sta. Maria ay napansin ang kahina hinalang pagparada ng isang Nissan Urvan (ZLF-939) na may sticker ng ABS-CBN na may lulang dalawang lalaki sa madilim na bahagi sa isang lugar dito na naging dahilan upang agad na iulat sa pulisya ang nakita.
Nagresponde naman ang mga tauhan ni P/Supt. Lailene Amparo at nahuli sa akto sina Francisco at Mendoza na katatapos lamang magsagawa ng shabu pot session sa loob ng sasakyan.