MANILA, Philippines - Dahil sa nararanasang matinding hirap sa pananalanta ng bagyong Pablo, ilan sa mga biktima ay dumaranas ng matinding depresyon at nawawala na rin sa katinuan sa Compostela Valley at Davao Oriental, ayon sa mga opisyal kahapon.
Ayon kay National Disaster Risk Reduction and Management Council Executive Director Benito Ramos, ito ay bunsod na rin ng matinding dagok at trauma na tumama sa mga residenteng nawalan ng mga ari-arian at namatay ang mga mahal sa buhay.
Umaksyon naman ang Department of Social Welfare and Development kung saan aabot sa 31 man team ang ipinakalat na nagsisilbing stress debriefers at evacuations managers sa mga bayan ng Baganga, Boston, Cateel sa Davao Oriental at mga bayan ng New Bataan at Monkayo sa Compostella Valley.
Sa Compostela Valley ay nasa 9 ang isinasailalim sa stress debriefing habang sa Davao Oriental ay nasa anim na evacuees na may kabuuang 15-katao.
Binigyang diin ng opisyal na kailangang mapaliwanagan ang mga dumaranas ng matinding depresyon at trauma lalo na ng mga nawalan ng mahal sa buhay upang manatiling matatag na harapin ang buhay at huwag mawalan ng pag-asa.
Magugunita na sa ilang evacuees rin ang naging biktima ng bagyong Sendong noong Disyembre 2011 ang nasiraan ng bait sanhi ng dinanas na depresyon at trauma.
Sa pananalasa ng Sendong sa Cagayan de Oro City noong 2011 ay umabot sa 700 ang nasawi habang nasa 800 pa ang nawawala na isa sa pinakagrabeng trahedya bago ang Kapaskuhan.