Magsasaka kinatay dahil sa paninita sa videoke

MANILA, Philippines - Dahil sa paninita sa mai­ngay na tunog ng musika sa videoke, napaslang ang 44-anyos na magsasaka matapos na pagtatagain ay pinutulan pa ng kanang kamay at braso  ng  magkapatid sa Barangay Angilan, Bacolod City kamakalawa ng gabi.

Kinilala ang biktima na si Alan Trajeros ng Purok 18, na putol na ang kanang hita at braso nang matagpuan ang tadtad ng taga nitong katawan.

Nahaharap naman sa kasong kriminal ang magkapatid na suspek na sina  Gary Fermalan, 28; at Ricardo Fermalan, 38; at isa pang kasab­wat na nagsilbing lookout.

Base sa  ulat ng Bacolod City PNP na nakarating sa Camp Crame, nagkakasayahan ang magkapatid dahil sa kaarawan ni Ricardo kung saan ay kinalampag at nagsisigaw ang biktima matapos maingayan sa tugtog sa sound system ng videoke machine.

Nagpaputok ng baril ang biktima na ikinasugat ni Gary sa kanang hita at kaliwang paa habang nagtamo naman ng sugat ang kapatid nito sa dalawang kamay ng makipagpambuno sa biktima.

Nang makita naman na sugatan ang kaniyang utol ay dinamba ito ni Ricardo, kinagat sa teynga at nang mabitawan ang baril ay pinagtulungang pagtatagain ng mag-utol.

Narekober naman sa crime scene ang cal. 38 revolver na may dalawang bala at mga basyo ng bala.

Show comments