MANILA, Philippines - Matapos ang 8 buwang pagtatago sa batas, naaresto ng mga awtoridad si dating Philippine Basketball Association (PBA) star Dennis Espino na wanted sa kasong illegal detention sa isinagawang operasyon sa Mabalacat, Pampanga kamakalawa.
Ayon kay PNP-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) Chief P/Director Samuel Pagdilao Jr, bandang alas-4:30 ng hapon ng masakote ng mga operatiba ng Women and Children Protection Division sa pamumuno ni Chief Inspector Fernando Cunanan Jr. si Espino sa bahay ng kapatid nitong si Engineer Eduardo Espino sa Brgy. Tabun, Mabalacat.
Si Espino, 38-anyos, nagma-may-ari ng Northline Farms ay dinakip sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Judge Mary Anne Pardon-Rivera ng Regional Trial Court Branch 46 ng San Fernando City, Pampanga na walang inirekomendang piyansa sa kaniyang kalayaan.
Sinabi ni Pagdilao na ang kasong illegal detention laban sa dating PBA star ay nag-ugat sa reklamo ng dati nitong secretary sa kaniyang piggery farm na si Mildred Eiman, 20-anyos.
Base sa sinumpaang salaysay ni Eiman, ikinulong umano siya ni Espino ng mahigit isang buwan matapos na mabigo siyang mabayaran kaagad ang P5,000 utang sa dating amo.
Ayon sa CIDG operatives, tumagal ng 8 buwan bago nila naaresto ang may sa palos na si Espino dahilan sa impluwensya nito lalo pa at pinsan nito si Arayat , Pampanga Mayor Luis Espino habang ang tiyuhin rin nitong si Chito Espino ay dati ring alkalde sa nasabing bayan.
Samantalang ang Northline Farms na pag-aari ni Espino sa paanan ng bundok Arayat ay pinamumugaran ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) kaya nahirapang magsagawa ng surveillance operations ang mga awtoridad.
Nagpalipat-lipat rin ng taguan si Espino sa ancestral house nito sa Nepo, Angeles City, farm sa Arayat, Pampanga, Vista Verde sa Cainta, Rizal at bahay bakasyunan sa Baguio City habang marami rin itong inupahang bahay at iba-ibang sasakyan ang ginagamit.