Ina pinugutan ng anak, isinabit sa Christmas tree

MANILA, Philippines - Brutal na kamatayan ang sinapit ng 70-anyos na ina matapos itong pugutan gamit ang panabas ng tubo ay ginawang palamuti sa Christmas tree ng anak sa makapanindig balahibong krimen sa bayan ng Moises Padilla, Negros Occidental kahapon ng umaga.

Sa ulat ni P/Chief Supt. Agrimero Cruz Jr. na isinumite sa Camp Crame, nadiskubre ang krimen bandang alas-6:30 ng umaga sa tahanan ng biktimang si Nenita Aguirre sa Barangay VII sa nasabing bayan.

Nagimbal naman ang mga operatiba ng pulisya na rumesponde matapos na madiskubreng ginawa pang palamuti sa Christmas tree ang pugot na ulo ng biktima habang pinagputul-putol rin ang katawan nito.

Natagpuan naman ang putul-putol na katawan sa may kusina matapos katayin ng barumbadong suspek.

Arestado naman ang suspek na si Viajojie ­Aguirre, 38, na sinasabing mentally depressed matapos itong hiwalayan ng kaniyang misis na guro dahil sa pagiging umbagero at lasenggero nito.

Lumilitaw na tatlong araw na walang tulog ang suspek kung saan bandang alas-9 ng gabi noong Lunes ay ini-report pa ng kaniyang ina sa pulisya dahil sa pagwawala sa kanilang barangay.

Ayon kay P/Senior Insp. Norberto Mansueto, hepe ng Moises Padilla PNP, nadiskubre lamang ang krimen matapos na makita ng kanilang kapitbahay ang suspek na duguan pa ang damit na naglalakad kung saan agad ang mga itong nag-usisa sa bahay ng matanda.

Show comments