BAYOMBONG, Nueva Vizcaya, Philippines – Bumagsak sa mga awtoridad ang isang 28 anyos na babaeng hinihinalang big time drug courier kasunod ng pagkakasamsam ng mahigit sa kalahating milyong halaga ng marijuana sa checkpoint sa Tabuk City, Kalinga kamakalawa.
Kinilala ni Cordillera Police Director P/Chief Supt. Benjamin Magalong ang nasakoteng suspek na si Merlyn Guimba ng Brgy. Dulgao West, Tinglayan, Kalinga.
Ayon kay Magalong dakong alas-6 ng umaga ng maaresto ng mga awtoridad si Guimba habang lulan ng GL bus na patungong Baguio City na dumaan sa checkpoint sa Brgy. Agbannawang, Tabuk City.
Nasamsam mula sa bagahe ng suspek ang 22 kilo ng marijuana brick na nagkakahalaga ng P550,000.
Hindi na nakapalag ang suspek matapos na mahuli ng mga awtoridad sa pag-iingat nito ang nasabing mga pinatuyong dahon ng marijuana.
Kasalukuyan na ngayong humihimas ng rehas na bakal ang suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Drugs Act of 2000.