NPA camp nakubkob

MANILA, Philippines - Nakubkob ng tropa ng militar ang malaking kampo ng mga rebeldeng New People’s Army habang  isa namang  sundalo ang nasugatan sa naganap na engkuwentro sa bayan ng  Matuguinao, Samar kamakalawa ng hapon. Kinilala ni Captain Gene Orense, spokesman ng Army’s 8th Infantry Division ang nasugatang sundalo na si Pfc Elwin Bert Paller. Ayon kay Orense, bandang alas-5 ng hapon nang makasagupa ng Army’s 63th Infantry Battalion ang grupo ng mga  rebelde sa kagubatan ng Barangay Rizal. Tumagal ang palitan ng putok ng sampung minuto na ikinasugat ni Paller habang mabilis namang nagsitakas ang mga rebelde bitbit ang mga sugatang kasamahan. Bago ang bakbakan ay nakubkob ng mga sundalo ang kampo ng mga rebelde sa kagubatan ng Barangay del Rosario sa nasabing bayan. Inihayag ni Orense na ang nakubkob na kampo ay may ilang kubo na may lutuan at maaring umakupa ng 45 rebelde. Nagpapatuloy naman ang pagtugis ng militar laban sa grupo ng rebelde.

Show comments