Kawani ng drug store pisak sa trak

BULACAN, Philippines  - Kamatayan ang sumalubong sa 30-anyos na kawani ng drug store habang sugatan naman ang kaibigan nito matapos mahagip ng trak sa MacArthur highway sa Barangay Saog sa bayan ng Marilao, Bulacan kahapon ng madaling araw.

Namatay habang ginagamot sa Nazarenus General Hospital ang biktimang si Aris Ortega ng Brgy. Poblacion 2 habang sugatan naman si Jerome Andaya, 22, ng Brgy. Sta. Clara sa bayan ng Sta. Maria at kapwa kawani ng Mercury Drug store sa Barangay Malinta,Valenzuela City.

Sa imbestigasyon ni PO2 Joel Baoalan, magkaangkas ang dalawa sa motorsiklo mula sa videoke bar sa Barangay Pandayan, Meycauayan City, Bulacan nang mag-overtake sa sinusundang trak.

Dito na sumabit ang da­mit ng biktima sa concrete mixer truck kaya tumilapon at nasagasaan pa habang sumemplang naman ang motorsiklo kung saan nasugatan si Andaya.

Sinamantala naman ng driver na tumakas matapos pagkaguluhan ng ilang residente ang biktimang naisugod sa ospital.

Show comments