MANILA, Philippines - Naaresto ng mga operatiba ng pulisya ang isang notoryus na lider ng kidnapping-for-ransom (KFR) at robbery gang sa CARAGA Region sa operasyon sa bayan ng San Franciso, Agusan del Sur kahapon ng madaling araw.
Sa ulat ni Sr. Supt Glenn de la Torre, Provincial Director ng Agusan del Sur Police kinilala ang nasakoteng suspek na si Ondo Perez.
Bandang alas -2:30 ng madaling araw ng masakote ng mga elemento ng pulisya ang suspek na si Perez sa raid sa pinagtataguan nito sa Brgy. Dos, San Francisco ng lalawigang ito.
Ayon sa opisyal, nanlaban si Perez na naghagis ng granada sa arresting team na ikinasugat ng tatlong pulis na sina PO1s Jezrel Paje, Raymundo Villar at James Pontillo.
Si Perez ay dating CAFGU na naging notoryus noong 2009 matapos na masangkot sa pangho-hostage ng 75 guro at mga elementary pulis sa bayan ng Prosperidad sa lalawigan ring nabanggit.
Ang nasabing mga guro ay may ilang araw ring binihag ng grupo ni Perez sa kagubatan bago pinakawalan.
Sa tala ng pulisya ang grupo rin ni Perez ang sangkot sa highway robbery sa iba’t ibang lugar sa CARAGA partikular na sa Agusan del Sur at Agusan del Norte.
Samantalang nasakote naman sa follow-up operations ang anim pang tauhan ni Perez.