BATAAN, Philippines – Apat-katao kabilang ang 60-anyos na Hapones na sinasabing nakapambiktima ng 30-katao sa illegal recruitment ang dinakma ng mga awtoridad sa inilatag na entrapment operation sa Barangay Camachili, Orion, Bataan kamakalawa ng umaga.
Kinilala ni P/Chief Insp. Elmer Santiago, hepe ng Orion PNP, ang mga suspek na sina Marissa Mangerra, 50, ng Terry Town Subd.; Michael Campuchino, 28, ng Malussac; Eduardo Morales, 50, ng Lot 6 Villa Carolina at ang Hapones na si Hitoshi Goto, ng Terry Town Subd. sa Sta. Rosa City, Laguna.
Sa imbestigasyon ni PO2 Bienvenido Viray, umaabot sa 30-katao mula sa mga bayan ng Orion, Mariveles at Abucay na rekrut ng mga suspek kung saan pinangakuan ng trabahong mananahi sa Japan noong Agosto 2012 sa halagang P.3 milyong kada isa bilang placement fee.
Nabatid din ng pulisya na walang lisensya ang grupo para mag-rekrut patungong Japan kaya inilatag ang operasyon kung saan nadakip ang mga suspek na lulan ng van na may plakang XMF 994.