Caloocan, Navotas tututukan mga pasaway sa paggamit ng mga paputok
MANILA, Philippines — Tiniyak ng Caloocan City government na nakamonitor sila sa mga pasaway at gagamit ng mga ipinagbabawal na paputok upang salubungin ang taong 2025.
Nakasaad sa Facebook page ni Caloocan City Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan, mahigpit na ipinagbabawal ang paggamit ng mga malalakas na paputok tulad ng baby rocket, trianggulo, whistle bomb, El Diablo, Judas’ belt, boga, at iba pang mga kahalintulad na paputok.
Ayon kay Malapitan, alinsunod ito sa Executive Order No. 040-24, na hinihikayat ang lahat ng mga punong barangay na magtalaga ng mga fireworks display zone sa kani-kanilang mga nasasakupan.
Batay pa rin sa nasabing kautusan, kailangan ipaalam ng barangay sa lokal na pamahalaan ang iba pang mga detalye ng itatalagang fireworks display zone tulad ng address nito, petsa at oras ng fireworks display, at ang mga ipapatupad na safety at security protocols sa lugar. Kinakailangang isumite ng mga barangay ang mga nabanggit na detalye sa Office of the City Administrator tatlong araw bago gamitin ang fireworks display area.
Inaatasan din ang Caloocan City Police Station, Bureau of Fire Protection-Caloocan, City Disaster Risk Reduction and Management Department, at ang City Health Department na pangunahan ang mahigpit na pagpapatupad ng ating ordinansa hinggil sa paggamit ng mga paputok at ang ating kampanya para sa ligtas na pagdiriwang ng Bagong Taon.
Payo ni Malapitan sa mga Batang Kankaloo na gumamit ng mga ligtas na alternatibong pamamaraan gaya ng torotot, kaldero, speaker, light emitting devices, at iba pa upang mag-ingay at magpa-ilaw sa Bagong Taon.
Samantala, nagpaalala naman si Navotas Congressman Toby Tiangco sa kanyang nasasakupan na isa-isip ang posibleng disgrasya sa paggamit ng mga ipinagbabawal na paputok.
Nakamonitor ang mga pulis at barangay officials sa mga magbebenta at magpapaputok.
Batay aniya sa report ng Department of Health,nasa 43 indibiduwal kabilang ang isang 7 at 9 anyos na mula sa Navotas ang naputukan.
“Nakakalungkot dahil karamihan ng mga naaaksidente sa paputok ay mga bata. Ayon sa report ng DOH, 20 sa mga naaksidente ay mga kabataang may edad na 19 pababa. Nanawagan po tayo sa lahat na sumunod sa pamantayan ng ating mga LGUs at maging responsable sa paggamit ng paputok,” ani Tiangco.
- Latest