Pagmumura ni Duterte ‘di aalisin sa record ng Senado – Chiz
MANILA, Philippines — Mananatili sa record ng Senado ang pagmumura at iba pang foul language ni dating pangulong Rodrigo Duterte, ayon kay Senate President Francis “Chiz” Escudero.
Nilinaw ni Escudero na naipaliwanag naman ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III, na ang mga binitiwang salita ng dating pangulo ay bahagi ng kanyang “narration” tungkol sa mga pangyayari noong kasagsagan ng war on drugs ng nagdaang administrasyon.
“Ipinaliwanag ni Sen. Koko ‘yan as part of the narration. Pangalawa, pinuna man hindi pina-strike sa record. So kung susundan natin ang rules ng Senado ay hanggat hindi ‘yan pinapa-strike mananatili ‘yan doon, ‘di para sa amin na mamili kung ano ang nandun,” pahayag ni Escudero.
Tiniyak din ni Escudero na maaaring sertipikhan ng Senado na totoo ang mga nakasaad sa transcript nang pagdinig sakaling may manghingi nito katulad ng International Criminal Court.
“Kung may manghihingi ICC man o kayo man na i-certify ang transcript wala akong nakikitang dahilan para hindi i-certify,” sambit pa ni Escudero.
Idinagdag ni Escudero na tila nasanay na ang mga mamamayan na may nako-contempt kapag nagmura ang resource person.
“Mabaho man pakinggan o hindi. Masakit man sa tenga o hindi…hindi ako nagpaparinig o ano man…pero nasanay ata ‘yung ating mga kababayan na sa isang pagdinig kailangan may nako-contempt…kailangan may nakukulong, may nasisigawan. Hindi naman kailangan ‘yun,” ani Escudero.
- Latest