Nangako si PAO Chief Persida Acosta sa mga naghain ng kaso laban sa Sulpicio Lines na sina Purita Hibe at mga pamilya ng mga biktima sa paglubog ng barkong M/V Princess of the Stars na kanyang tututukan ang kaso hanggang sa katapusan. Ito ay matapos humingi ng reconsideration ng Resolution na inilabas ng Korte Suprema na nagtatakda ng pananagutan ng nasasakdal na si Edgar Go ay pananagutang sibil lamang at hindi kriminal.
Bilang balik-tanaw, ang mga pamilya ng mga biktima ng Stars ay naghain ng kasong kriminal sa Department of Justice laban sa kapitan ng lumubog na barko at mga opisyal ng Sulpicio Lines.
Kinatigan ng Court of Appeals si Go na nagsumite ng Petition for Certiorari na humahamon sa legalidad na aksyong kriminal na inihain laban sa kanya ng DOJ at RTC. Sa kabila ng paghahain ng kaso laban kay Go sa RTC ay hinayaan itong makapagpiyansa at binaligtad ng CA ang DOJ finding. Inapela naman ng mga nagrereklamo at ng DOJ ang kaso sa Korte Suprema sa pamamagitan ng Petition for Review on Certiorari subalit nagdesisyon ang SC base sa Article 2206 ng Civil code na pananagutang sibil lamang ang pananagutan ni Edgar Go. Subalit hindi naman inalisan ng jurisdiction ang nasabing RTC.
Kung kaya naghain ng Omnibus Motion ang mga pamilya ng mga biktima na humihiling ng Reconsideration dahil si Go bilang namamahala ng SLI ay hindi lamang limitado sa pananagutang sibil kundi pananagutang kriminal din. Ito’y sa kadahilanang pagdedesisyong maglayag ang Stars sa kabila ng bagyo na nagresulta sa pagkawala ng maraming buhay at ari-arian ng mga biktima ng trahedya. Ang omnibus motion na ito ay ini-refer sa Supreme Court En Banc para sa buo at pinal na desisyon dahil sa paulit-ulit na mga trahedya ng mga barko ng SLI.