MANILA, Philippines — Pakay ng Gilas Pilipinas na maipagpatuloy ang matikas na ratsada nito sa pagsagupa sa Iran ngayong araw sa fifth window ng FIBA World Cup 2027 Asian Qualifiers sa Karisma Arena sa Seremban, Malaysia.
Magtutuos ang Gilas Pilipinas at Iran sa alas-5 ng hapon.
Galing ang Gilas sa impresibong 97-58 panalo laban sa Syria noong Biyernes kung saan nagpaulan ang Pinoy squad ng 14 three-pointers.
Ang panalo ang nagdala sa Gilas Pilipinas sa No. 3 spot sa Group E tangan ang 5-4 rekord kasalo ang Iran at Jordan.
Umarangkada si Kevin Quiambao na nagtala ng 18 puntos lahat galing sa three-point territory habang naglista naman si Kai Sotto ng double-double na 18 puntos at 10 rebounds.
Maganda rin ang simula ni naturalized player Bennie Boatwright na naglista ng sariling double-double na 16 puntos at 13 rebounds.
“We brought by far our best team I think and we just controlled the boards, and we won at 60-30,” ani Gilas Pilipinas head coach Tim Cone.
Alam ni Cone na mapapalaban ng husto ang kanyang bataan kontra sa Iran.
Kaya naman bantay-sarado ang coaching staff sa laban ng Iran at Australia para mapag-aralan ang galawan ng Middle Eastern country.
Galing naman ang Iran sa 67-84 demolisyon sa kamay ng Australia sa kanilang huling laro.