NU silat sa Adamson

MANILA, Philippines — Binulaga ng Adamson University ang defending champion National University matapos ilipad ang 25-23, 15-25, 28-26, 25-22 panalo sa UAAP Season 87 women’s volleyball tournament na nilaro sa Smart Araneta Coliseum, kagabi.
Muling sumiklab sa opensa si super rookie Shaina Marie Nitura upang akbayan ang Lady Falcons at ilista ang 4-7 karta, kasalo nila sa No. 6 sa team standings ang Ateneo De Manila University.
Tumikada si Nitura ng 32 points mula sa 30 attacks at dalawang blocks dahilan para kalsuhan ng Lady Falcons ang two-game skid, pangalawang sunod na 30-point outing ito ng pambato ng Adamson .
Nakabawi na rin ang 20-anyos na si Nitura sa kanyang season-low 13 points noong una nilang nakaharap ang Lady Bulldogs sa first round elimination.
Naka-una ang San Marcelino-based squad, ng 2-1 sets win matapos ang mainit na laro ni Nitura.
May tsansa sanang makahirit ng deciding fifth set ang Lady Bulldogs ng hawakan nila ang tatlong puntos na bentahe, 18-15 pero mas naging mabalasik ang Lady Falcons, ginapang nila ito para silatin ang katunggali sa apat na sets.
Bumakas sa puntusan si Frances Ifeoma Mordi ng siyam para sa Adamson na susunod na makakalaban ang Far Eastern University sa Sabado sa PhilSports Arena.
Kumana si Mhicaela Belen ng 19 markers para sa National University na nalasap ang pangalawang talo sa 11 laro, kaya asahang magngingitngit ang Lady Bulldogs sa sunod nilang laban kontra University of the East Lady Warriors sa Miyerkules.
Samantala, nagwagi ang FEU sa University of the Philippines 25-21, 25-16, 14-25, 26-24 sa unang laro.
- Latest