MANILA, Philippines — Naging matagumpay ang katatapos na 2024 season ng Spikers’ Turf kung saan nagpakitang-gilas ang ilang players.
Ito ang pahayag ni Spikers’ Turf tournament director Mozzy Ravena sa mga rising stars na nag-iwan ng kanilang mga marka sa Open at Invitational Conferences.
Kung nagningning ang mga bituin nina Bryan Bagunas ng Cignal at Marck Espejo ng Criss Cross sa season-opening tournament ay umagaw naman ng eksena si Jude Garcia na hinirang na MVP sa Open Conference.
May kontribusyon naman sina Francis Saura at Rash Nursiddik ng D’Navigators, Peter Quiel ng PGJC-Navy at Cian Silang ng Cignal para sa kanilang mga koponan.
Bagama’t hindi naglaro sina Bagunas at Espejo sa Invitationals ay nagpasikat si Garcia sa torneo para angkinin ang ikalawang sunod na MVP award.
Nagparamdam din ng kanilang puwersa sina Louie Ramirez (Cignal), Gian Glorioso (Criss Cross), Sherwin Caritativo (Savouge), Giles Torres (Savouge), CJ Segui (VNS) at Dryx Saavedra (FEU-DN Steel).
Iginiya ni Ramirez ang HD Spikers sa pang-walong sunod na korona para hirangin bilang Finals MVP.
“Even if it’s a short one, I think it’s very successful kasi marami na naman tayong players na nakita like si Ramirez, MVP of the Finals, it’s just so much fun,” sabi ni Ravena.