MANILA, Philippines — Mabilis na tumugon si back-to-back Most Valuable Player Kevin Quiambao nang sabihan siya ni La Salle coach Topex Robinson na hindi siya kasama sa starting five sa Game 2 ng UAAP Season 87 men’s basketball championship kontra University of the Philippines.
Naging matagumpay naman ang adjustments ni Robinson dahil nakaipon ng lakas si Quiambao at pinasan ang Green Archers sa 76-75 pagtakas sa Fighting Maroons noong Miyerkules.
“I told KQ that he wouldn’t start, he just said, ‘Okay, coach,” ani Robinson, “That’s already a sign of somebody who trusts the system, trusts the person calling the shots, and you don’t hear any questions from him. No reaction.”
Gayunpaman ay si Quiambao pa rin ang may pinakamahabang playing time sa mahigit 32 minuto at inirehistro ang 22 points, 9 rebounds, 2 assists at 1 steal para tulungan ang La Salle na makatabla sa UP at makahirit sila ng deciding Game 3 sa Linggo.
Nagsimulang lumiyab ang opensa ni Quiambao nang malubog ang Green Archers ng walong puntos sa kalagitnaan ng fourth period.
Sa Linggo ay inaasahang itotodo ng defending champions ang kanilang lakas upang mapanatili ang korona sa Taft.