MANILA, Philippines — Nagningning si UAAP Season 86 Athlete of the Year Quendy Fernandez matapos sumisid ng apat na gintong medalya sa 11th BIMP-EAGA Friendship Games na ginaganap sa Ramon V. Mitra Sports Complex sa Puerto Princesa City, Palawan.
Hindi ininda ng 19-anyos University of the Philippines student ang init nang pagreynahan nito ang women’s 100m backstroke sa bilis na isang minuto at 7.21 segundo.
Naungusan ni Fernandez si Lora Micah Amoguis na nagkasya sa pilak na medalya tangan ang 1:10.53 gayundin si Jann Maureen Doton na naorasan ng 1:18.42 para sa tansong medalya.
“It’s a fun experience kasi dito po ako nagco-compete kung saan ako lumaki, and dito rin po ako natuto lumangoy from kin-der palang dito nako nagsi-swim, lalo na nandito pa ako sa international competition,” ani Fernandez.
Nauna nang nakaginto si Fernandez sa 4x50 girls’ 200m medley at freestyle relays at sa 50m backstroke. May pilak din ito sa 4x100 400m freestyle.
“Sobrang malaking boost po sa akin na makita ko po yung mga familiar faces. It just really brings so much joy and energy. Hopefully, madagdagan ko pa po yung mga medals ko,” dagdag ni Fernandez.
Napasakamay naman ni Philip Sahagun ang ikatlong gintong medalya sa men’s 100m backstroke matapos magrehistro ng 1:00.82.