MANILA, Philippines — Ang pagsosolo sa liderato ang misyon ng PLDT Home Fibr, habang ang ikatlong sunod na panalo ang target ng nagdedepensang Creamline sa 2024-24 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference.
Lalabanan ng High Speed Hitters ang Chery Tiggo Crossovers ngayong alas-4 ng hapon kasunod ang pakikipagkita ng Cool Smashers sa Choco Mucho Flying Titans sa alas-6:30 ng gabi sa Smart Araneta Coliseum.
Magkasosyo sa itaas ng team standings ang PLDT at Cignal sa magkatulad nilang 3-0 record kasunod ang Creamline (2-0), ZUS Coffee (2-1), Petro Gazz (2-1), Chery Tiggo (2-1), Choco Mucho (2-2), Akari (2-2), Farm Fresh (1-2), Capital1 (1-3), Nxled (0-4) at Galeries Tower (0-4).
Umiskor ang High Speed Hitters ng 25-17, 25-20, 25-17 panalo kontra sa Solar Spikers, habang hinataw ng Crossovers ang Chameleons, 26-24, 25-15, 25-18, sa kanilang mga huling laro.
“Bonus na lang na nagiging easy wins pero dagdag na lang talaga na may momentum kami going to those hard games,” ani PLDT coach Rald Ricafort sa kanilang mga panalo sa Nxled, Galeries Tower at Capital1.
Muling sasandal si Ricafort kina Fil-Canadian Savi Davison, Fiola Ceballos, Mika Reyes, Kath Arado at Dell Palomata katapat sina Cess Robles, Ara Galang Aby Maraño, Mary Rhose Dapol, Pauline Gaston at Alina Bicar ng Chery Tiggo.
Samantala, puntirya ng Cool Smashers ang ikatlong dikit na ratsada sa pagsagupa sa Flying Titans.
Nauna nang tinalo ng Creamline ang Choco Mucho sa nakaraang All-filipino Conference Finals para sa kanilang pang-walong PVL crown.
Nagmula ang Cool Smashers sa 26-24, 25-17, 25-16 pagwalis sa Akari Chargers tampok ang pagbabalik ni three-time MVP Tots Carlos sa huli nilang laban noong Nobyembre 23.
Yumukod ang Flying Titans sa HD Spikers, 18-25, 18-25, 25-20, 22-25.