MANILA, Philippines — Winasiwas ng Quezon Tangerines ang Biñan Tatak Gel 1-Pacman Partylist, 25-19, 24-26, 25-18, 25-15, sa Game 2 ng finals upang pag-reynahan ang 2024 Maharlika Pilipinas Volleyball Association (MPVA) kamakalawa ng gabi sa Quezon Convention Center sa Lucena.
Sumandal sa homecourt advantage ang Tangerines upang maduplika ang mas mahirap na tagumpay sa Game 1, 25-19, 23-25, 25-18, 21-25, 17-15, sa bahay ng Volley Angels sa Alonte Sports Arena sa Laguna.
Kumamada ng game-high na 18 puntos si Mary Grace Borromeo habang tumikada ng 17 puntos ang ace spiker na si Rhea Mae Densing upang masikwat ang MVP at Best Opposite Hitter awards.
Nakatambal nila sina Cristy Ondangan, na kinilala bilang First Best Middle Blocker para sa balanseng atake ng Tangerines.
Matatandaang si Ondangan din ang sumaklolo sa Game 1 na comeback win ng Quezon tampok ang 19 puntos kabilang na ang back-to-back hits sa fifth set upang maka-tambal ang 22 puntos ni Densing.
Nagmando sa kalat na opensa ng Quezon si Chenae Basarte na tinanghal na Best Setter sa unang home-and-away season ng MPVA na itinayo ni dating Senador at MPBL chairman Manny Pacquiao.
Kinapos ang 18 puntos ni First Best Outside Hitter Erika Jin Deloria, 15 puntos ni Shane Carmona pati na ang 10 ni Second Best Middle Blocker Zenith Perolino para sa runner-up finish ng Biñan.
Ang ibang awardees ay sina May Ann Nuique (Best Homegrown Player), ng Biñan, Jonah Denise Dolorito (Second Best Outside Hitter) at Angelica Blue Guzman (Best Libero) ng bronze medalist na Rizal St. Gerrard Charity Foundation.