Back-2-back wins para sa Thunderbelles

Chinnie Arroyo

MANILA, Philippines — Humataw si Chinnie Arroyo ng 14 points mula 11 attacks, dalawang service ace at isang block para banderahan ang ZUS Coffee sa 25-22, 25-16, 25-19 paggupo sa Galeries Tower sa 2024-24 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference kahapon sa Philsports Arena sa Pasig City.

Nag-ambag si Chai Troncoso ng 11 mar­kers para sa 2-1 record ng Thunderbelles habang may siyam at tig-pitong puntos sina Thea Gagate, Jovelyn Gonzaga at Michelle Gamit, ayon sa pagkakasunod.

“Ang nasa mindset lang namin is kailangan tuluy-tuloy lang kami at hindi mag-stop,” ani Arroyo.

Ito ang ikalawang sunod na panalo ng tropa ni coach Jerry Yee matapos ang 21-game losing slump simula noong nakaraang dalawang komperensya at sa kanilang unang laro sa AFC.

“We are very excited na iyong potential nakikita and somehow naa-achieve,” wika ni Yee. “Slowly, maaga pa masyado eh, so step by step.”

Laglag naman ang Highrisers sa 0-4 baraha.

Matapos kunin ng ZUS Coffee ang first set, 25-22, ay ipinoste nila ang 17-8 kalamangan sa second frame sa likod nina Arroyo, Gonzaga at Gagate.

Nakalapit ang Galeries Tower sa 14-17 mula sa isang 6-0 atake.

Nagising ang Thunderbelles at muling lumayo sa 24-16 kasunod ang kill block ni Gamit kay Dimdim Pacres para iwanan ang Highrisers sa 2-0.

Sa third set ay inilista ng ZUS Coffee ang 20-12 abante na muling naputol ng Galeries Tower sa 17-21 sa pamumuno nina France Ronquillo at Jho Maraguinot.

Bumida si Troncoso at ibinigay sa Thunderbelles ang 24-17 bentahe patungo sa kanilang straight set win.

Pumalo sina Ronquillo at Rosele Baliton ng tig-12 points para banderahan ang Highrisers.

Pupuntiryahin ng ZUS Coffee ang kanilang ikatlong sunod na ratsada sa pagharap sa Farm Fresh sa Disyembre 5.

Show comments