Diallo pasikat sa panalo ng Converge

Dumakdak si Converge import Cheick Diallo laban sa Terrafirma.
PBA Image

MANILA, Philippines — Ginulungan ng Converge ang Terrafirma, 116-87, para sa masigabong pagbubukas ng 2024 PBA Commissioner’s Cup kahapon sa PhilSports Arena sa Pasig.

Kumaripas agad sa 34-16 ratsada ang FiberXers at lumamang pa ng hanggang 33 puntos tungo sa kumbinsidong tagumpay para sa 1-0 kartada.

Nagpasiklab sa kanyang PBA debut si Cheick Diallo na humakot ng 25 puntos at 16 rebounds sahog pa ang 2 assists, 1 steal at 1 tapal para banderahan ang ratsada ng FiberXers.

Solidong double-double na 16 puntos at 12 rebounds ang ambag ni Justin Arana habang may 12 at 11 puntos sina Bryan Santos at Mike Nieto, ayon sa pagkakasunod.

Halos hindi na kinaila­ngan ng Converge ang malaking numero mula sa bagong player na si Jordan Heading na naglista ng 8 puntos, 4 rebounds at 6 assists sa inaabangang PBA debut.

No. 1 overall pick ng Terrafirma si Heading noong 2020 PBA Rookie Draft subalit hindi naka-pirma at nakapaglaro doon maski isang beses bago ma-trade sa Converge kapalit sina Aljun Melecio, Keith Zaldivar at future pick.

May tig-7 puntos sina Schonny Winston at Alec Stockton para sa balanseng atake ng mga bataan ni coach Franco Atienza.

Dikit pa ang laban sa first quarter, 7-7, nang magpakawala ng 27-9 birada ang Converge na hidi na nabaliktad pa ng Terrafirma tungo sa 29-point win.

Show comments